Sunday, March 4, 2012

Taog o Kati?

Iraw nga ga sabihin mo ng mabilis na paulit ulit..Minikaniko ni Monico ang makina ng minica ni Monica(5x)! 


(Wala laang..pag wala nang bumangka sa ungkutan, pwede itong pagpaliiran..wala nang mapag isturyahan ih. Ang maunang ma-utal, may pitik. Ang pinakamapula ang bukong ay di sya ang putot.)


Maipagparoon ko sa ating pulong tungkol sa global warming na ipinangangalandakan ni Al Gore, at ngay-o'y ipinangangalandakan ko na rin, naulit sa akin ng isang kaibigan na mas maige raw itawag ay climate change kaysa global warming dahil wala raw namang global colding. Ay kako nga rin...


Pero, maski naman ano ang ating itawag ay gay-on pa din ang problema natin, ang patuloy na pag-init ng ating planeta dahil sa green house gases na ang tao ang may kagagaw-an. At dahil sa tao naman ang puno't dulo ay di tao rin laang ang makakatulong malutas ang problema ng climate change o global warming,kung anuman ang gusto ninyong itawag diyan.


Duon sa sine ni Al Gore, may ipinakita syang frog experiment. Ang kawikaan nya duon, pag daw ang isang palaka ay inilagay mo sa isang kawa na may nakulong tubig, pamihadong-pamihado, ang palaka ay karakang dadapulas ng lundag palayo sa init. Ay natural, nabanlian nga naman ih..ikaw mang 'yan!


Pero, pag ang tubig daw sa kawa ay maligamgam laang , ang palaka ay hindi lulundag. Ngay-on, utay-utay mong laksan ang apoy sa ilalim ng kawa. Pag gay-on daw na utay-utay, ang kataw-an ng palaka ay nag a-adjust din ng init kaya hindi nito namamalayan na ang tubig ay painit nang painit. Nakita ko ang video na ito na gaya ng ipinakita ni Al Gore sa An Inconvenient Truth:


http://www.youtube.com/watch?v=APxGubAkOz0&feature=youtu.be 


Sa madaling sabi, ay ganito ang pagtatapusan ng palaka pag utay-utay laang ang apoy sa ilalim ng kawa:




( hiniram laang ito  sa : http://the-gathering-storm.blogspot.com/2009_04_01_archive.html )


Ala!!!? Ay kita mo ga nga naman,kabayan?  Ay umis-kuto pa ih! Mamaas-maas ay pamayamaya pa'y tig-ok na siya!


Parang gay-on laang daw ang mundo, yung tubig sa kawa. Ang global warming o climate change, yun naman ang apoy. Ay parang sino naman yuong palaka?? 


Ay hula-i!!


Pagkaga nga naman painit ng painit ang daigdig, ay di matutunaw nga naman yung mga yelo sa malalamig na parte ng mundo ,halimbawa'y sa Greenland..(ala! hanapin mo na laang ang Greenland sa mapa)


Ang Greenland ay unti unting natutunawan na ng mga yelo. 
Ito ay isang illustration ng Greenland batay sa pagkatunaw ng yelo:




(hiram laang sa http://www.openmarket.org/2009/08/03/policy-peril-segment-4-sea-level-rise/)


Ala!!!? Kalaunan pala ay mabubura na yaang lugar na yaan at tunaw na lahat!




Ay maano naman kan'yo?



Pag ang yelo ay natunaw, syimpre ay nagiging tubig. Ang ibig sabihin, madadagdagan naman ng tubig ang ating mga karagatan.  Pagdami ng tubig sa dagat, ay di panay ta-og! Alam na alam naman natin kung ano ang nangyayari pag ta-og. 




Tanda ko pa noong 1994, sa Miss Universe competition, ang tanong kay Charlene Gonzales ay kung ilang pulo meron sa Pilipinas. Ang sagot ni Charlene ay tanong din, 'High tide or low tide?'?


Ay kailangan nga nama'y linawin, dahil pag ta-og, ang pulo daw ay 7,107 laang. Pero pag kati, tayo daw ay may 7,108 na pulo sa ating bansa.


Ang nakakahilakbot sa pag ta-og gawa ng global warming na ito, ay hindi gagaisang isla laang sa Pilipinas ang lulubog pag nagkataon. Baka pagsali ng apo sa talampakan ni Charlene sa Miss Universe pagdating ng panahon at tanungin sya kung ilang pulo tayo meron ay hindi na 7,107 at 7,108 ang bilang.


At dahil taga Mataas na Kahoy na yaang sina Charlene at ang mga apo niyan ay Batanguena na, ay baka ang isagot:


"Ta-og ga po o kati? Pag ta-og po ay mer-on kaming 107 na pulo, pag kati naman ay 108."


(..ika naman ng aking umpe : 'santa anang malalapad ang dahon! ay napasaan ang 7,000?')





































3 comments:

  1. Ay naku tawarin kaya nakakahinayang naputol yaang usapin yaan sa senado..ay kami nga dine ay napakalaki ng multa pag ang basura mo na "recycable' na kasama ng biodegradable... ay husay na sigurong may sulat ang munisipyo... lahat ay dapat magkaisa para mabawasan ang global warming...oh yaang nagamit ng spray net sa buhok..ang lakas din niyang magpanipis ng ozone layer... itigil na laang yan.. maganda pa rin naman..ano nga?

    ReplyDelete
  2. naku napakarami nating magagawa, kahit kakarampot laang ang ating maiaambag dine sa tinatawag na pagsagip sa pagkasira ng kapaligiran pag pinagsama-sama ay marami na rin. Baka hindi maglaho yung 7,000, sa halip madagdagan pa....

    ReplyDelete
  3. uu nga kabayang lani.. ang isa ga namang umakyat at maglinis ng bundok Makulot sabay magsabit ng mga pa-ala-ala sa mga naakyat duon para huwag karaka'y magtapon ng basura, ay di ga'y napakalaking bagay na nagawa natin nuong isang araw..ay di lasa ko nama'y hirol nga laang ang binti kinabukasan..ay anupa, nakatulong naman sa taga Cuenca! =)

    ReplyDelete