Monday, February 27, 2012

Uulan,Iinit, Nagpapatuyo ng Malagkit..

Tanda ko pa nuong kailan, bibihira lamang mangyari na uulan iinit. Nuon, pag naulan, naulan lamang, pag naman mainit ay di mainit laang, walang ulan..pero may pagdaang talagang uulan iinit sa isang araw lamang..ang sabi ng mga T'yo Kaka,'uulan iinit,nagpapatuyo ng malagkit'.  O kaya naman ang sabi nang magnununo, may ikinakasal daw na tigbalang at tigbalaok..ang hindi ko alam ay kung alin ang babae duon sa tigbalang at tigbalaok..hindi ko na rin nausisa.


Pero noon nga iyon.


Ngay-on ay napakalaking iba na. Wala nang tag init wala nang tag ulan, labulabo na. Kung anu na laang ang dumating. Yan ang talagang tinatawag na bahala na ang panahon. Datirati, pag Mayo at may araw ka sa tuklong, guyod kayo sa kapilya, mag aalay ng itlog kay Santa Clara para hindi ulanin ang padasal mo. Isang dosena dapat ang isasabit doon sa kapilya.

Pag gay-on, ay sya, ayos na ang buto buto. Lagay na ang loob na hindi uulanin. Paano ga naman ay syempre, yun ga namang nakapamili ka na ng busa para sa pasasoy,dalwang klase pa ha? May bilog at may haba na busa,pero busa din. Masaya na ang mga magdadasal na manganganta sa tuklong,pati mag aalay na mga bata,kasisigla pag alam na may pasasoy.
Walang juice noon, hindi pa uso. Iinom ka na ng iyo sa inyo. Bawal maluugan dahil hindi uso ang panulak sa pasasoy. Pasasoy na pasasoy nga laang.


Maaga pa, dinidilig na ang lupa sa tuklong dahil pag hindi ay kainamang kagabok. Lalo na pag natapos na ang dasal at bigayan na nang pasasoy ay sya, karibok na karibok ang mga bata..pati askal karibok!  At ang mga askal ha? kulang na laang ay ipagsali sa mag aalay. Aba'y kamali mali naman lagi sa loob ng tuklong. Kung hindi mo laging tatadyakan o babalibangin para umalis. (Hindi pa bawal manadyak ng askal nuong una..pero ngay-on, subukan mong manadyak ng askal at 'animal cruelty' ang kaso mo, yari ka naman ngay-on sa mga animal rights advocates)


Ibig sabihin ko, noong una, gay-on laang ang basehan natin ng panahon, isandosenang itlog na alay kay Santa Clara.


Ay ngay-on, kahit isang trak na itlog ang ialay mo, hindi mo mapipiho ang panahon.
Init na init,biglang biglang bubuhos ang naaaaaapakalas na ulan na akala mo'y gunaw na! Ultimong PAGASA ay liyong liyo na! Nasibak na nga sa trabaho ang PAGASA head na si Prisco Nilo noong Agosto 2010, sa kasurahan na  ni Pangulong Noynoy.


Sino nga naman ang hindi masusuklam, ay naturingang may PAGASA tayo pero nalusutan tayo ng Ondoy noong 2009 at hindi pa tayo nakakaahon, nalusutan na naman tayo ng Basyang noong 2010. 


Walang maaaring makalimot sa bagsik ng Ondoy. Ang pinakamalapit nang maiitawag ko sa Ondoy ay 'gunaw'.


Kung tutuusin, hindi naman PAGASA ang problema natin. Hindi ang mga equipment, hindi ang mga tao kundi CLIMATE CHANGE (na ang tawag na iba ay global warming.)




Makikita natin sa link na ito  http://www.vtaide.com/png/atmosphere.htm
ang drowing ng athmosphere sa ibaba:







Kita mo ga diyan may apat na layer ng Athmosphere? Dito sa mga layers na ito nadaan ang sun rays o sinag ng araw na napakainit.


Mula sa lupa, naiyan muna ang Troposphere, yung pinaka malapit sa atin.


Tapos naiyan ang Stratosphere na kung saan ay naroon naman ang tinawag na ozone layer. Tayo nama'y ozone layer laang ki-ozone layer ay wari ko nama'y ang iba'y hindi din alam kung ano yuon,pustahan pa?


Di ga nga't pag may magsisilab ng ginapas na damo sa luuban, (na kahit naman sariwa pa ang damo at kagagapas laang naman ay nginangalingali ang pag iimis,sisilabin agad! kaninaman na!) sasabihin natin sa kahanggan:


"Hoooy, kita mo ga naman kung gaano kakapal ang usok ng silab mo? Ay sya ka, paninipisin mo ang ozone layer!"


..Kow! kala mo nama'y tuong alam kung ano yuon, at may pagpalahaw pa!  Paano kung sabihin ng kahanggan: 


"Ay anu ga yung ozone layer na yuon,nakakain baga yuon?, Hige nga iyong ipaliwanag?"


O, ay ano ka ngay-on pag di mo alam? Hah! Kataasa'y magpapalusot ka na laang pag gay-on,ano nga? Sasabihin mo sa kapitbahay:


"Are naman,kataluti mo ga!..Anu gang ozone layer, wala naman akong sinasabing gay-on, bingi ito! Ang sabi ko, patayin mo yang silab mo at nauusukan ang sinampay ko! Kadami ko pa namang nilabhan!(magagalit si misis!)"  


Ayan. Gay-an pag hindi naiintindihan. Sya, aralin na agad dine!


Ang Ozone Layer ay isang manipis na layer na siyang nasagap ng mga harmful ultraviolet radiation galing sa araw.  Ang sabe daw, panipis na ito ng panipis sa Europe, Asia, North America at Antarctica. Sabi pa daw ay may mga butas na na nakikita sa ozone layer.


Ahhhhhh....ay di kaya gay-on nga kung maka init ngay-on, anaki lagi'y nasa sa loob ng pugon!


Ang patatlong layer ng athmosphere ay Mesosphere ang tawag.


At ang pang apat at pinakamalayo sa mundo, na pinakamainit din dahit pinakamalapit naman sa araw, ay ang Thermosphere.


O, ayan ha? Alam na natin ang Athmosphere, apat na sapi pala yaan.  At sinasabi nga na ayon sa pag aaral ng mga paham, ang Ozone layer ay nanipis na ng nanipis..at ang pinakamatindi ay may mga butas na daw.


Kung ang Ozone layer pala ang taga absorb o tagabawas ng init na nasasagap natin galing sa araw, at ito ay nanipis na at nagkakabutas butas na, ay di talaga ngang iinit kai-kainaman!


Bakit daw nanipis at nagkakabutas ang Ozone layer?




Ang salarin ay ang Chlorofluorocarbons or CFCs na ginagamit sa refrigerants at coolants o sa ating mga ref at aircon. Ang CFC ay mas mabigat sa hangin pero nakaka akyat ito sa Atmosphere sa loob ng dalwa hanggang limang taon!





Pag ito raw CFC na ito ay nasa sa Stratosphere na, binabasag ito ng ultraviolet radiation at nagiging chlorine compounds na tinatawag ding Ozone Depleting Substance (ODS). Itong mga chlorine atoms na ito ang salot sa mga ozone, maski na nag iisa lamang, kaya nitong bumasag ng ozone molecules ng paaaaaulit ulit!

Hala! Ay papaano, ay di painit na nga laang yan ng painit pag di natin pinuksa ang CFC na yan?

Ngunit, datapwat subalit.....hindi laang CFC ang salarin.

Sa susunod, talakayin natin ang tinatawag na Greenhouse Gases na tinutukoy ng nasa babang illustration:








Sa site na ito http://marinebio.org/oceans/conservation/global-warming.asp ko ito hiniram. 


Hoooooooy! Gisiiiiiiing! Tulog na yata ih! Anugayan? 


Sya, yaman din laang na ako yata'y tinulugan na ng aking kapulong, ay ako'y tutulog na rin muna. Ang oras sa Ala Eh City ay ganap na ika 1:06 ng umaga..


Nakapaghiwalay na ang katawan ng mga aswang! 
Ihanda na ang mga bawang at asin!






























 g 

2 comments:

  1. ..areng aking ditse ay may hirit pa ih, hindi daw nagpapatuyo ng malagkit pag gay-on,hindi laang matukoy kung nagpapalago o nagpapasibol..ay basta't may kinalaman yaan sa malagkit.

    ReplyDelete
  2. Way cool! Some extremely valid points! I
    appreciate you penning this post plus the rest of the site is also very good.
    payday loans atlanta
    My web page payday loans

    ReplyDelete